Monday, August 3, 2009

Lolo Dency's Day!!!

Sa darating na ika-10 ng Agosto ay ipagdiriwang ng ating kabunyian ang kanyang ika-77 taong kaarawan. Alam niyo ba na siya ang ika-tatlumpu’t isang Arsobispo ng Maynila? Anim na taon na rin siyang nagsisilbi bilang Ama ng ating simbahan dito sa Arkidiyosesis ng Maynila. Siya ang “Ama” ng mga kaparian sa ating simbahan at “Lolo” ng ating pamayanan. Minsan na siyang dumalaw sa ating parokya at nanguna sa misa noong ipinagdiwang natin noong nakaraang taon ang Kapistahan ng Banal na Krus.
“Anumang magaling kahit maliit basta’t malimit ay patungong langit.” Sino ang hindi nakakaalam ng mga katagang ito? Ito ang isa sa mga proyektong naging matagumpay na pinasinayaan ng ating butihing Lolo Dency. Ang dating beinte-singko na hindi natin alintana ay ngayon ay may malaking papel sa pagpapayabong ng mga gawain ng ating simbahan. Wika nga niya noong nakaraang ika-5 anibersaryo ng Pondo ng Pinoy na ang gawaing ito ay hindi lamang basta pag-iimpok ng barya kundi ang paunti-unting pagsusumikap na mabago ang kamalayan at isipan ng mga Pilipino. Ang bawat maliliit na gawang-kabutihan kapag pinagsama-sama ay tiyak na ramdam ng ating kapwa. Mukhang dama ng ating butihing Kardinal na malayo ang mararating ng bawat beinte-singko ng pinoy. Isa pa sa mga napakagandang ibinahagi ng ating Lolo Dency ay ang pagkakaroon ng pananaw. Umusbong sa kanyang panunungkulan ang pahayag-pananaw ng ating Arkidiyosesis bilang sambayanang tinawag ng Diyos Ama kay Hesukristo na may kaganapan ng buhay. Hinihikayat niya tayong pag-aralan at ulit-ulitin ang kahalagahan ng pahayag-pananaw na ito upang ito’y maging bahagi at kaisa ng ating pang-araw-araw na pamumuhay.

Sa darating na kanyang kaarawan, paano kaya niya ulit nais ipagdiwang ito? Matatandaan natin noong nakaraang taon na gusto niyang sa mga bata natin ibigay ang ating mga handog na regalo sa kanyang kaarawan. Ang ating parokya ay nagpakain sa mga bata sa araw ng kaarawan ni Lolo Dency. Ngayon kaya? Paano kaya nais ng ating butihing Kardinal na ipagdiwang natin ang kanyang kaarawan? Kasabay ng pagdiriwang ng simbahan ng taon ng mga Pari nawa ay mag-alay tayo ng mga panalangin at gawaing espiritwal hindi lamang sa ating Lolo kundi sa lahat ng kaparian. Mula sa Parokya ng Banal na Krus, kami ay malugod na bumabati ng maligayang kaarawan sa ating butihing Kardinal, Ama at Lolo ng ating simbahan.

Happy Birthday Lolo Dency!!!


No comments:

Post a Comment