Sa darating na ika-10 ng Agosto ay ipagdiriwang ng ating kabunyian ang kanyang ika-77 taong kaarawan. Alam niyo ba na siya ang ika-tatlumpu’t isang Arsobispo ng Maynila? Anim na taon na rin siyang nagsisilbi bilang Ama ng ating simbahan dito sa Arkidiyosesis ng Maynila. Siya ang “Ama” ng mga kaparian sa ating simbahan at “Lolo” ng ating pamayanan. Minsan na siyang dumalaw sa ating parokya at nanguna sa misa noong ipinagdiwang natin noong nakaraang taon ang Kapistahan ng Banal na Krus.Sa darating na kanyang kaarawan, paano kaya niya ulit nais ipagdiwang ito? Matatandaan natin noong nakaraang taon na gusto niyang sa mga bata natin ibigay ang ating mga handog na regalo sa kanyang kaarawan. Ang ating parokya ay nagpakain sa mga bata sa araw ng kaarawan ni Lolo Dency. Ngayon kaya? Paano kaya nais ng ating butihing Kardinal na ipagdiwang natin ang kanyang kaarawan? Kasabay ng pagdiriwang ng simbahan ng taon ng mga Pari nawa ay mag-alay tayo ng mga panalangin at gawaing espiritwal hindi lamang sa ating Lolo kundi sa lahat ng kaparian. Mula sa Parokya ng Banal na Krus, kami ay malugod na bumabati ng maligayang kaarawan sa ating butihing Kardinal, Ama at Lolo ng ating simbahan.



